12,132 magsasaka sa Bayan ng Guimba ang makakatanggap ng P3,000.00 cash assistance simula sa Lunes, Agosto 23, 2021 hanggang sa Biyernes, Agosto 27, 2021.
Ramdam ng Ama ng Bayan, Mayor Boyong Boyong Dizon ang hirap na pinagdadaanan ng bawat isa dulot ng pandemyang ating kinakaharap sa kasalukuyan kaya ito ay patuloy na humahanap ng mga kaparaanan upang kahit paano ay maibsan ang pinagdadaanan ng ating mga kababayan.
Bilang ang sektor ng agrikultura ang isa sa pinakamalaking sektor sa ating bayan at sa dami ng bilang ng magsasaka na patuloy na dumaranas ng paghihirap dulot ng Rice Tarrification Law, mababang presyo ng palay, mataas na presyo ng abono bukod pa sa banta ng pagkasira ng pananim dahil sa bagyo, minarapat ng ating Punong Bayan na ilapit sa tanggapan nina Senador Bong Go at Pangulong Rodrigo Duterte ang kalagayan ng ating mga kababayan.
Tayo ay mapalad naman na napagbigyan sa ating kahilingan at ito ngang papasok na linggo ay bababa sa ating bayan ang Tanggapan nina SBG at PRRD, DSWD, DTI, DA, DICT, TESDA, PCSO, DOLE at iba pang ahensya ng gobyerno upang magkaloob ng Cash Assistance at marami pang ibang tulong sa ating mga magsasaka.
Lahat ay prayoridad ng ating Mayor subalit kung ano lang ang naibigay na tulong at sino lamang ang mabibigyan ay sya ang makakatanggap sapagkat ito ay nahingi lamang nating tulong at ang ahensyang pinagmulan ng tulong ay may proseso at kaakibat na panuntunan, kwalipikasyon at rekisitos (guidelines, qualification and requirements).
Tunay na mapalad tayo at dapat lamang na ipagpasalamat ng ating Bayan ang biyayang ito sapagkat ang ating bayan pa lamang ang napagkalooban ng ganito kalaking bilang ng benepisyaryo sa ilalim ng AHON (Aid and Humanitarian Operations Nationwide) Convergence Program ng Pamahalaan.