Ano nga ba ang mangyayaring ROAD CLEARING ngayong pebrero?

Ito ay ang pagpapatuloy ng clearing operation na isinasagawa ng lokal na pamahalaan bilang pagsunod sa DILG Memo Circular 2020-027 upang tupdin ang kautusan ng Pangulong Rodrigo Duterte na palisin at bawiin ang mga pampublikong lugar at kalsadang hinarangan o nagamit ng pribadong tao o komersyo.

Muli ay naglabas ang DILG ng kautusan bilang Memo Circular 2020-145 kung saan ibinaba na sa Barangay ang pagpapatupad ng clearing operation at suporta na lamang ang Pamahalaang Bayan.

Mga ginagawang clearing operation
1. Kinakailangang matanggal ang lahat ng sagabal o harang (obstruction) sa mga kalsada at pampublikong lugar. Kasama na ang mga karatulang nakapatong sa gilid ng kalsada.
2. Kinakailangan alisin o tibagin ang mga istrukturang humaharang sa daan, sidewalk at pampublikong lugar.
3. Kinakailangang maisaayos ang mga paradahan sa pamamagitan ng paglalagay ng mga karatula para sa no parking, one side parking at designated parking areas. Dapat na sundin ang mga karatulang nagtatalaga kung saan dapat humimpil.
4. Kinakailangang maisaayos ang mga ruta at himpilan ng public transport sector.

Sino sino ang magpapatupad nito?
Ang mga barangay officials na pangungunahan ng barangay Chairman. Maaari silang lumapit sa himpilan ng pulisya para sa law enforcement kung mayroon ng ordinansa na kinakailangang ipatupad. Maaari ding ilapit sa munisipyo upang sila ay matulungang maisakatuparan ang direktiba ng Pangulo ng ating bansa.

Bilang isang bayan na payapa
Nararapat tayong magkaisa at makiisa sa layuning isaayos ang ating mga kalsada at pampublikong lugar upang mapakinabangan ng lahat. Kapakanan ng sambayanan ang isinasaalang alang sa hakbanging ito (General Welfare clause – Local Government Code).

Tayo ay pamayanang sumusunod sa utos at batas. Tayo ay bayang tumatalima sa tagubilin at utos ng nakatataas na pamahalaan. Tayo ay mamamayang may pagmamahal sa ating bayan.