Nagdaos ng emergency meeting ngayong lunes January 4, 2021 ang local IATF upang pagusapan ang mga issues at concern na hinaharap ng ating bayan tulad ng
1. Pamemeke ng travel papers
2. Reporting and monitoring bilang control and safety measure laban sa Covid
3. Mga kasalukuyang kaganapan at ang istriktong pagpapatupad ng minimum health standard.

Bilang pagdinig sa boses ng mamamayan (nakapaloob sa mga ulat), agad na ipinagutos ng ating Mayor na magsagawa ang lokal na IATF ng imbestigasyon sa pamumuno ng ating lokal na kapulisan upang mahinto o pigilan ang ginagawang pagpapalusot at ayaw dumaan sa tamang proseso ng ilan nating kababayan na diumano ay gumagamit ng mga pekeng papeles upang makalusot sa mga checkpoint at iba pang dahilan.

Ipinanukala ng kapulungan na patawan ng karampatang parusang kriminal ang mahuhuli at sangkot sa ganitong gawain.

Isa sa napagkasunduang rekomendasyon na isama na ang Covid Monitoring log sheet bilang requirement sa pagkuha ng medical at travel authority. Ang mga bagong darating ay kinakailangang magreport sa “balik Guimba” receiving team o sa BHERT/BCMT upang sila ay kwalipikadong mabigyan ng travel papers na magagamit nila sa kanilang pagbabalik sa pinanggalingan. Ang mga hindi nagreport ay kinakailangan magpaliwanag sa IATF Guimba kung bakit hindi ito nagreport at nasa diskresyon na ng lokal na IATF kung ano ang gagawin sa mga sumuway sa alituntunin ng lokal na pamahalaan. Layunin ng measure na ito na mapanatiling ligtas sa pagkahawa hawa ng sakit na covid 19 ang ating mga kababayan kung kayat ipinapatupad ang mahigpit na monitoring/reporting bilang counter measure laban sa pandemya.

Sinisikap ng ating pamahalaang bayan na matugunan ang lahat ng issues at concern ng ating mga kababayan at hinihiling ang kooperasyon ng bawat isa upang sama sama nating malabanan ang pandemyang ito hanggang sa pagtawid natin sa bagong normal na kalagayan.

Para sa mamamayan
#GuimbaKongMahal