Ngayong araw na ito ay hihilingin ni Mayor “Boyong Boyong” Dizon sa Sangguniang Bayan ang paglalaan ng pondo para sa pagbili ng PCR (swab) test kits sa hangarin na makapagsagawa tayo ng mabilisan at libreng pagsusuri sa ating mga kababayan na nangangailangan nito.

Kaalinsabay nito, lubos ang pasasalamat ni Mayor Dizon sa Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna nina Governor Oyie Umali at Vice Governor Anthony Umali, sa pagpapahiram sa ating bayan ng Swab Booth na ating gagamitin para sa nasabing pagsusuri. Sumailalim din sa pagsasanay ang ating mga kawani mula sa Guimba Community Hospital at Rural Health Unit upang sila ang magsagawa ng pagsusuri.

Naniniwala si Mayor Dizon na isa sa pinakamahalagang hakbang upang masugpo ang sakit na COVID ay ang maagap na pagsusuri ng ating mga kababayan. Subalit ayon kay Dra. Ma. Gene Cinense-Tadeo, Municipal Health Officer, hindi lahat ng nagnanais na magpasuri ay puwede natin suriin sapagkat sang-ayon pa din sa panuntunan at evaluation ng DOH-NE kung sino lamang ang nararapat na sumailalim sa PCR (swab) test tulad ng mga taong nakakaranas ng sintomas ng COVID, nagpositibo sa Rapid test, mayroong pakikihalubilo o malawak na exposure sa isang positibong kaso ng COVID at iba pang may katulad na sitwasyon.

Patuloy ang paalala ng Ama ng Bayan na ating pag-ingatan ang ating mga sarili sa pamamagitan ng palagiang pagsusuot ng face mask, pagdistansya sa mga tao, pag-iwas sa paglabas ng bahay maliban na lamang para sa mga mahahalagang gawain, pagpapanatili ng malinis at malakas na katawan at pag-iisip. Ang pagsunod sa mga takdang protocols at pakikiisa ng mga mamamayan ay mahalaga habang ang Pamahalaang Bayan ay hindi tumitigil sa pag-iisip ng iba’t-ibang kaparaanan upang ating mapagwagian ang laban kontra COVID.

#BayangMayDisiplina 👌
#WeHealAsOneGuimbaKongMahal💚