Nakarating sa kaalaman ng Punong Bayan ang balita ng Radyo Natin Guimba sa kanilang Facebook page na diumano ay naharang sa ikalawang pagkakataon ang Subpoena para sa nasabing istasyon kaugnay ng kasong isinampa ng Pamahalaang Bayan laban sa kanila.

Madiin naming pinabubulaanan na ang Pamahalaang Bayan o ang ating Punong Bayan, Jose R. Dizon, ay may kinalaman sa nasabing pangyayari. Aming inalam mula sa PNP Guimba at Office of the Provincial Prosecutor kung ano ang totoong pangyayari upang bigyang linaw ang isyung ito sa ating mga kababayan, dahil karapatan ninyong malamang ang katotohanan ng mga nangyayari sa ating bayan.

Ayon kay PLT Col. Bulayungan, ang sulat na inihatid ng Post Office sa PNP Guimba na may registry receipt no. 0254 ay PARA SA IBANG TAO at hindi para sa Radyo Natin Guimba. Ito ay kanilang naideliver na sa taong takdang tumanggap nito na nakatira sa Barangay Tampac I, Guimba, Nueva Ecija. Sinabi din niya na wala silang natanggap na ikalawang Subpoena para sa Radyo Natin Guimba. Kalakip nito ang sobre at Subpoena na may registry receipt no. 0254 at ang Sertipikasyon ng Office of the Provincial Prosecutor upang patunayan na hindi para sa Radyo Natin Guimba ang Subpoena na sinasabi nilang hinarang at hindi ibinigay sa kanila ng PNP-Guimba.

Sa amin ding pakikipag-usap sa Office of the Provincial Prosecutor ay aming napag-alaman na personal na nagpunta doon ang mga inirereklamong personalidad ng RNG at personal na sinabi sa kanila ni Prosecutor Julius Caesar Mustard ang mga petsa ng takdang pagdinig ng kaso. Subalit sa kabila noon ay pinili nila na hindi dumalo sa dalawang beses na takdang pagdinig at hindi din nagsumite ng kanilang kasagutan sa reklamo laban sa kanila.

Nakakalungkot na dahil sa panibagong MALING BALITA na ito mula sa RNG ay mayroon pa ding ilang mga tao na madaling napaniwala at nagpaparatang sa atin na gumagamit ng impluwensya at nag-uutos sa PNP-Guimba upang huwag ibigay ang Subpoena ng Radyo Natin Guimba. Ito ay isa na namang malinaw na panliligaw at panlilinlang sa ating mga kababayan, bukod pa sa pagiging malisyosong pagbibintang na walang anumang basehan. Aming inuulit na walang anumang kinalaman ang Pamahalaang Bayan o ang Punong Bayan, Jose R. Dizon sa mga pangyayaring ito.

Aming idinulog ang aming reklamo sa Office of the Provincial Prosecutor dahil kami ay naniniwala na ito ang tamang lugar para pag-usapan at masagot ang aming hinaing laban sa RNG. Hindi makakatulong sa aming kaso ang paulit-ulit na pagkabalam ng takdang pagdinig dahil lang sa hindi nai serve na Subpoena.

Para sa pamunuan ng Radyo Natin Guimba, aming ipinapaalala na bilang mga mamamahayag, kayo ay mayroong sinumpaang tungkulin sa ating mga kababayan na maghatid ng totoo at kapani-paniwalang balita. Ngayon, higit kailanman, inaasahan ng ating mga kababayan ang patas na paghahatid ng balita sa gitna ng pandemya.

Para sa ating mga kababayan, aming ipinapaalala na habang aming patuloy kinikilala at isinusulong ang kahalagahan ng malayang pamamahayag sa ating lipunan, hindi tayo papayag na may mga tao na magpapakalat ng mga mali at iresponsableng balita na makakapanakit at magdudulot ng kalituhan at kapahamakan sa ating mga kababayan.

#NoToFakeNews
#ResponsibleJournalism