Sa online emergency meeting ng IATF Guimba na dinaluhan ng 20 myembro ng task force at isang kapitan ngayong hapon ganap na alas 2:00 at natapos ng pasado alas 4:00 ay napagusap na pansamantalang ididiretso ang pagsasara ng palengke hanggang lunes at magbubukas ito ng martes.

Dininig ng IATF Guimba ang lahat ng concern at dito inilatag ang patuloy na pagkakaroon ng kaso ng Covid na may relasyon sa operasyon ng palengke. Sapagkat buhay ay napakahalaga, minarapat ng mga myembro ng IATF Guimba na pansamantalang ipagpatuloy ang pagsasara ng palengke habang isinasagawa ang contact tracing, imbestigasyon kung paano nahawa ang mga kawani ng pamilihang bayan at makapagbuo ng plano para maisakatuparan ang layunin na pigilan ang virus.

Iminungkahi ng ating Mayor na dapat makapaghatid ng tulong pinansyal sa mga naging biktima ng Covid empleyado man o publiko na nagpositibo sa Covid. Sinangayunan ito ng mga myembro ng local IATF

Napakahirap na desisyon ang pagsasara ng ating palengke sapagkat marami ang dito ay umaasa subalit hindi naman ikokompromiso ng pamahalaang lokal ang buhay ng bawat isa. Ayon sa mga duktor ng ating mga RHU at GCH na malaki ang tsansa na makakuha ng virus ang bawat tao na pumupunta ng palengke kung kayat kailangan muna itong mapigilan sa pamamagitan ng pansamantalang pagsasara ng ating pamilihan hanggang maisaayos ang plano kung paano ito bubuksang muli na may kaakibat ng striktong mga alituntunin.

Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na maaaring napakaraming hindi sumusunod sa mahigpit na utos ng pamahalaan katulad ng social distancing at pagsusuot ng face mask. Ibinababa o inaalis nila ito kapag wala ng nagbabantay. Napakalaki pong tsansa na maiuwi nyo ang virus na maglalagay sa yo at inyong pamilya sa malaking problema katulad ng napakalaking halagang kailangan kapag tayo ay naospital sanhi ng Covid bukod pa sa malalagay ang inyong buhay sa alanganin.

Patuloy na naghahanap ang pamahalaang lokal ng mga paraan kung paano mapipigilan ang virus at maisalba ang taumbayan sa panganib. Kinakailangang makita ang resulta ng mga taong na swab at isu swab pa lamang. Hanggat wala pang resulta ay magiging delikado ito para sa nagtitinda at namimili kung kayat nauwi sa ilang araw na pagsasara ang desisyon ng halos lahat na myembro ng IATF Guimba.

Pakaisipin natin na hindi natin ito mapagtatagumpayan kung walang kooperasyon ang mamamayan. Hinihiling ng IATF Guimba ang pangunawa ng bawat isa sapagkat buhay natin ang nakataya kung papayagang buksan ang palengke na hindi pa nasisigurong ligtas ito para sa mamimili at nagtitinda.

Sa pagtatapos ng pulong,
Ang lahat ay pinagiingat.
Sa awa ng Dyos malalampasan natin ang matinding pagsubok na bumabalot sa ating bayan sa pakikiisa at pagkakaisa ng mamamayan at ng pamahalaan

#GuimbaKongMahal